Inimbestigahan kamakailan lamang ng Komite sa Senado na may kaugnayan sa mabagal at napakamahal na bayarin sa internet service sa Pilipinas.
Pinangunahan ito ni Senador Bam Aquino sa pag-asang may masisilip itong problema at kalaunan ay magkaroon ng kasagutan sa mga reklamo ng mga consumer na matagal nang nanggagalaiti sa napaka-pangit na serbisyo sa internet sa bansa.
Lumabas sa mga pag-aaral na ang Pilipinas ang katangi-tanging bansa na may pinakamahinang internet speed at ang masaklap pa ay napakamahal pa ang buwanang bayad sa di mo maasahang internet service.
Katunayan, inihambing ang mga internet speed natin sa ibang bansa, at lumabas na hindi angkop ang binabayad ng mga konsyumer natin, dahil halimbawa na lamang sa South Korea, ang bilis ng internet nila sa household lamang ay aabot sa 100mbps (megabits per seconds) sa halagang $20 kada buwan.
Samantalang tayo ay nagtitiis ng 1-3 mbps sa halagang dalawa hanggang tatlong libong piso kada buwan.
Nakalulungkot di ba at tila pagdududahan mo ang mga kompaniyang ito na nanggugulang sa kapwa nila Pilipino.
Ang hindi pa natin batid kung ano na ang naging resulta ng mga ginawang pagdinig sa Senado, nakatulong ba ito o mas lalong pinalala lamang ang problema at sakit sa ulo ng publiko.
Pero nitong nakalipas na linggo lamang ay tila nakonsensiya o ipagpalagay nating nagising sa katotohanan, dahil ang Philippine Long Distance Telecommunication Company (PLDT) ay biglaang nagtaas ng kanilang internet speed mula 8mbps sa kanilang PLDT-FIBR ngayon ay nasa 19mbps.
Talagang napa-WOW ako sa bilis!!!
At ayon sa PLDT, ang pagtaas ng internet speed ay walang dagdag gastos sa mga consumer.
Ngunit ang pinagtataka ko, ano kaya ang nag-udyok sa kanila na gawin ito, resulta kaya ito ng reklamo ng publiko o may pakinabang ang ginawang imbestigasyon ng Senado.
Ganun pa man, nagpapasalamat tayo sa hakbang na ito ng PLDT, at ang hamon siguro ay ibabato natin sa ilan pang mga internet providers at Telcos na hanggan ngayon ay hindi pa rin tinatamaan ng kahihiyan.
Uulitin ko, mas maiging ipagpatuloy pa rin ng ating mga kababayan ang laban at panawagan para sa mas murang internet service at mabilis na speed nito.