Natuklasan na muling tumaas ang internet download speed sa bansa sa fixed broadband at mobile sa pagsisimula sa puwesto ng administrasyong Marcos.
Ito ang lumabas sa July 2022 report ng Ookla Speedtest Global Index kung saan ang fixed broadband median speed ay umakyat sa 75.62Mbps mula sa 68.94Mbps noong Hunyo.
Sinasabing ang average download speed para sa fixed broadband ay naitala sa 102.93Mbps.
Maliban dito, tumaas din ang mobile median speed na nakapagtala ng download speed na 22.56Mbps mula sa 21.41Mbps noong nagdaang buwan.
Nabatid na ang average download speed para sa mobile ay 52.33Mbps.
Sa pagsirit ng download speed, umakyat pa ang global rank ng Pilipinas sa fixed broadband (seven notches) at mobile (four notches).
Pahayag ng Ookla, sa ngayon ay nasa pang-46 na puwesto ang Pilipinas sa hanay ng 182 bansa para sa fixed broadband habang pang-84 na puwesto naman sa 140 bansa sa mobile.
Kasama sa mga binanggit na sanhi ng pagbuti ng internet speed sa bansa ay ang mas pinadaling proseso sa pag-iisyu ng LGU permits na nagpabilis din sa pagtatayo ng cellular towers at fiber optic network ng mga telco.
Inaasahan naman sa unang quarter ng 2023 ay sisimulan na ring i-deploy ang Starlink broadband ni Elon Musk sa bansa na makatutulong sa pagbuti pa ng internet speed.
Napag-alaman na target ng Starlink na mabigyan ng koneksyon ang mga isolated at disadvantaged areas sa bansa na mayroong download speed na aabot sa 100Mbps hanggang 200Mbps.
Sakaling maisakatuparan ito, ang mga naninirahan sa mga liblib na lugar ay magkakaroon na rin ng access online na mahalaga ngayon sa edukasyon, health services, online banking at iba pa.