Nagpasaklolo na ang Senado sa International Criminal Police Organization o INTERPOL para matukoy ang kinaroroonan ng mga pangunahing sangkot sa money laundering scandal sa bansa.
Ayon kay Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies Chairman Serge Osmeña, malaki ang maitutulong ng INTERPOL para mahanap sina Gao Sua Hua na nakabase umano sa Beijing at Ding Zhie Zi na sinasabing nasa Macau.
Ang mga nabanggit ay ang siyang itinuro ng bigtime junket operator na si Kim Wong sa nakalipas na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na siyang may hawak umano ng malaking bulto ng pera mula sa 81 million dollars na ninakaw sa Bangladesh Bank sa Amerika.
Dagdag pa ng senador, ipahahanap din ng senado si Weikang Xu na ininguso naman ng Philrem Remittance Services na nakatanggap umano ng P600 million pesos at karagdagang 18 million dollars mula sa ninakaw na salapi.
Giit ni Osmeña, kailangang humarap ang mga nabanggit para sumailalim sa kaukulang pagtatanong kung saan napunta ang iba pang bahagi ng salaping ninakaw sa Bangladesh government.
2 Chinese
Nakapuslit na umano sa bansa ang 2 Chinese high rollers na idinawit ni casino junket operator Kim Wong sa isyu ng 81 million dollar money laundering scandal.
Dahil dito, sinabi ni Senador Sergio Osmeña na mahihirapan na ang Pilipinas na mahuli sina Gao Shuhua at Ding Zhize na kapwa nagdala ng nasabing halaga sa bansa.
Ayon kay Osmeña, tiyak na mahihirapan ang bansa na makipag-ugnayan sa Beijing para matimbog ang mga nasabing high rollers dahil sa kasalukuyang territorial dispute sa South China Sea.
Samantala, muling gugulong bukas ang imbestigasyon ng senado sa kaso ng 81 million dollar money laundering scandal.
Tututukan sa nasabing imbestigasyon ang magiging paliwanag ng Philrem owners partikular ang isa sa mga incorporator nitong si Michael Bautista sa naging testimonya ni casino junket operator Kim Wong.
Magugunitang inihayag ni Wong na hindi ni remit ng Philrem ang 17 million dollar na bahagi ng ninakaw na pera.
By Jaymark Dagala | Judith Larino