Iginiit ng pamahalaan na hindi maaaring isnabin ang International Criminal Police Organization sakaling hilingin ng International Criminal Court ang tulong nito para arestuhin o maghatid ng kustodiya sa mga taong hinahabol nila para panagutin.
Ito, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, kasunod ng pahayag ni Department of Justice Secretary Crispin Remulla na makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC sa kabila ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala ng ugnayan ang Pilipinas sa ICC at hindi makikipagtulungan sa kanilang imbestigasyon sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Hindi aniya nagbago ang posisyon ng pilipinas sa ICC subalit ibang usapan na kung magpapatulong ito sa INTERPOL.
Binigyang-diin pa ng Kalihim na hindi maaaring balewalain ang interpol dahil maraming pagkakataon na nakatulong ito sa Pilipinas.
Hindi aniya nito alam kung ano ang ibig sabihin ni Secretary Remulla sa pahayag nitong makikipagtulungan sa ICC dahil malinaw ang posisyon ng pangulo na tapos na ang ugnayan ng Pilipinas dito. – Sa panulat ni Jeraline Doinog