Malaki ang maitutulong ng anumang economic agreement na malalagdaan sa mga bansang pupuntahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular na sa Indonesia.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis, itinuturing na kabilang sa malalakas na bansa sa ASEAN ang Pilipinas at Indonesia kaya magandang development ang mapipirmahan nilang kasunduan pagdating sa investment at trade.
Pero umaasa si Luis, na kasama sa agreement na mapagkakasunduan ng dalawang bansa ang mga solusyon sa natitirang mga problemang kinakaharap sa investment at trade ng mga investor.
Inihayag din ng ECOP na pagdating sa mga economic deals ay talagang napag iiwanan ang Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mga kaalyadong bansa, na nasa lima hanggang anim na ang kanilang mga nalagdaang developmental agreement.
Paliwanag ni Luis na nahuhuli aniya ang bansa sa bagay na ito dahil hanggang sa ngayon nasa dalawa pa lamang ang investment at trade deal na pinapasok ng ating pamahalaan. —sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)