Iginiit ni Sen. Christopher “Bong” Go, vice chairperson ng Senate National Defense Committee, ang kahalagahan na maprotektahan ang soberanya at territorial integrity ng bansa.
“My previous position d’yan, kung ano po ang atin ay atin. What is ours is ours. Ipaglaban po natin kung ano po ang atin,” ayon sa senador.
Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng ginawang pagbaklas ng Philippine Coast Guard (PCG) sa floating barrier na inilagay ng barko ng China sa Bajo de Masinloc.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Go sa ginagawang hakbang ng pamahalaan partikular ng PCG at ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa usapin.
“Na-clear na ba? Dapat lang. Kung ano nga po ang atin ay atin ‘yun, ‘wag nating hayaang nakaharang d’yan ang mga barriers. Kung agrabyado naman tayo, kung ano nga po ang atin, ipaglaban po natin. What is ours is ours,” ayon pa sa senador.
“Eliminating the barrier has heightened tensions between the Philippines and China, with the latter asserting ownership of more than 90% of the commonly referred to as South China Sea,” aniya pa.
Suportado din ni Go ang utos ng pangulo na baklasin ang barrier, bagay na agad na ginawa ng coast guard.
Kamakailan ay kinondena ng senador ang mga napaulat na insidente ng pangha-harass ng China sa pinag-aagawang teritoryo partikular sa bahagi ng Ayungin Shoal.
“Dapat po ay respetuhin ang ating karapatan. Kung ano ang karapatan natin na mag-resupply tayo, atin po ‘yon, karapatan po natin ‘yun. Ipaglaban po natin ang ating karapatan,” ani Go.