Iminungkahi ni ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran na ipatapon na lamang sa isang isla sa West Philippine Sea ang mga drug lords na nakakulong sa NBP o New Bilibid Prison.
Ayon kay Taduran, isang bukas na sekreto ang pamumuhay bilang mga hari ng mga bigtime drug lords sa loob ng NBP kung saan nakapagpapatayo pa ang mga ito ng sariling mga kubol at nakapagpapatuloy sa operasyon ng illegal drug trade.
Paliwanag ng mambabatas, mahihirapan na ang mga nasabing convicted drug lords na ipagpatuloy ang kanilang mga iligal na transaksyon dahil wala aniyang cellphone signal sa West Philippine Sea.
Dagdag ni Taduran, wala na rin aniyang masusuhulan ang mga convict dahil hindi na rin kinakailangan ng mga jail guards at officials sa mga isla kung saan sila ipatatapon.
Iginiit pa ni Taduran, hindi lamang problema sa NBP ang masosolusyunan ng kanyang panukala, kundi maging aniya ang usapin sa paggigiit ng Pilipinas sa inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.
Samantala, iminungkahi din ni Taduran na ibenta na lamang ang lupain ng NBP sa pribadong sektor at gamitin ang magpabebentahang pera para sa Build Build Build program ng pamahalaan.