Dumistansya ang Philippine National Police (PNP) sa namumuong girian sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito’y sa harap ng usapin hinggil sa pag-ban ng US sa ilang opisyal ng Pilipinas na sinasabing nasa likod ng pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima.
Ayon kay PNP OIC Lt. General Archie Gamboa, kanila nang ipauubaya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap o pagsagot sa nasabing isyu.
Sinabi ni Gamboa, hindi direktang makakaapekto sa kabuuang operasyon ng PNP ang nasabing usapin.
Gayunman, posibileng magdulot ito ng pagkakaantala sa pinasok na kasunduan ng pambansang pulisya sa Amerika na may kaugnayan sa kanilang modernization program. — Jaymark Dagala (Patrol 9)