Todo-depensa si Senador Francis Escudero sa pagpasa nila sa tax reform bill o kilala sa tawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Aminado si Escudero na tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa ilang probisyon ng TRAIN.
Gayunman, kakayanin naman aniya ito ng mga ordinaryong manggagawa dahil itinaas nila sa mga sumasahod ng P250,000 kada taon ang exempted sa tax mula sa dating P147,000.
“Imbes na patawan ng mataas na income tax ang mga tao at mababa ang tax ng bilihin pinili ng pamahalaan na babaan ang income tax pero dagdagan ang tax ng bilihin, hindi ba mas maganda na nasa kamay ng bawat Pilipino ang pera at hawak nila, at mas malaki ang take home pay nila? kaysa papanatilihin mong mataas ang buwis sa take home pay nila at parang gobyerno na ang nagdedesisyon kung ano na ang pagkakagastusan nila.” Ani Escudero
Ayon kay Escudero, hindi na rin aniya mangingimi ang mga employers na itaas sa minimum ang pasahod sa kanilang mga empleyado.
Ipinaliwanag ni Escudero na ang pagbabasehan ng buwis na babayaran ng mga sobra sa P250,000 kada taon ang sahod ay yung sosobra lamang sa naturang halaga.
Sa ilalim anya ng kasalukuyang batas, binubuwisan na kahit pa piso o dalawang piso lamang ang isinobra sa minimum wage.
“Kahit ikaw ayaw mong taasan nila ang suweldo mo dahil ang take home pay mo mas maliit, so ang pakinabang ng minimum wage earners dito ay puwedeng taasan ng kumpanya ang suweldo mo nang hindi ka pa rin magbabayad ng buwis, itong exemption na nilagay natin na P250,000 among the other exemptions na aming prinovide ay parang naglagay tayo ng P152 billion sa bulsa ng ating mga kababayan, imbes na ikolekta ng gobyerno yan ibinalik na lamang sa ating mga kababayan base sa isang prinsipyo: mas alam ng tao ang kailangan nilang bilhin kaysa ang gobyerno.” Pahayag ni Escudero
(Ratsada Balita Interview)