Posibleng maipasa sa mga consumers ang ipinatupad na dagdag sa toll fee sa SCTEX o Subic Clark Tarlac Expressway.
Ayon sa grupo ng mga truck operators, ramdam na nila ang itinaas sa singil sa toll fee ng SCTEX.
Anila, hindi masasabing maliit lamang ang idinagdag sa toll fee ng SCTEX dahil may malaki rin itong epekto sa ekonomiya.
Samantala iginiit naman ni Toll Regulatory Board Spokesperson Bert Suansing, maliit lamang ang dagdag sa toll fee kung kukuwentahin ito batay sa ibinibiyaheng mga kargamento.
Epektibo nitong Lunes, Hunyo 14 ang ipinatupad na dagdag na 51 centavos kada kilometro sa SCTEX.
Katumbas ito ng 60 pesos na dagdag sa class 3 o malalaking truck na bibiyahe mula Mabalacat hanggang Tarlac at 98 pesos kung mula Mabalacat hanggang Tipo sa Subic.