Binigyang-linaw ng CHED o Commission on Higher Education ang patungkol sa ipinatupad nilang moratorium sa pagdaraos ng field trips at educational tours.
Sa memorandum na nilagdaan ni CHED Chairperson Patricia Licuanan, hindi sakop ng moratorium ang internship, local man o abroad, kabilang na ang on-the-job training (OJT), practicum, field instruction, field study at ship board training.
Exempted din sa ipagbabawal ang mga international educational trips, gayundin ang international educational linkages na sponsored o inindorso ng national government.
Para sa iba pang school activities na hindi nabanggit ng CHED, pinayuhan ang mga paaralan na makipag-ugnayan muna sa regional office ng komisyon bago gawin ang aktibidad upang ma-evaluate kung sakop ba ito ng moratorium.
Matataandaang nagpatupad ang CHED ng temporary ban sa field trips sa mga pampubliko at pribadong unibersidad matapos ang masawi ang 15 katao na karamihan ay estudyante ng Bestlink college na dadalo sana sa isang camping sa Tanay, Rizal noong Lunes.
By Meann Tanbio