Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na higpitan ang ipinatutupad na security measures sa Lamitan City, Basilan.
Ito ay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem ang ama ng suspect sa Ateneo de Manila University shooting na si Dr. Chao Tiao Yumol.
Nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Ayon kay Interior secretary Benjamin Abalos Jr., hinigpitan na ang checkpoints sa Lamitan City at border ng lugar para mabantayan itong maigi.
Matatandaang una rito, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na masyado pang maaga para ikonekta ang pagpatay kay Rolando Yumol mula sa kasong kinakaharap ng kaniyang anak na si Dr. Chao.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring pagpaslang kay Rolando.