Isinara na ng Iran ang komunikasyon nito sa Ukraine hinggil sa usapin nang pagpapabagsak nila ng Ukrainian passenger jet noong nakalipas na buwan.
Kasunod na rin ito ng akusasyon ng Ukraine sa Iran na mayroon itong direktang kinalaman sa nasabing insidente matapos ilabas ng Ukraine TV ang palitan ng komunikasyon ng air traffic control at piloto.
Nakasaad sa voice recording kung saan, ayon sa Iranian pilot, ay nakakita ito ng kumikislap sa taas bago nakarinig ng pagsabog.
Sinabi ni Iranian investigation team head Hassan Rezaeifar na hindi sila magbibigay ng anumang impormasyon sa Ukraine na nais din umanong makita ang black box flight recorders subalit ipinagpipilit ng Iran na sila na ang bahala sa nasabing pagkuha ng impormasyon.
Magugunitang nasa 176 katao ang nasawi matapos pabagsakin ito ng Iranian missile noong ika-8 ng Enero.