Itinanggi ng Iran ang ulat na tinamaan ng kanilang missile ang bumagsak na eroplano ng Ukraine na ikinasawi ng 176 na pasahero nito.
Ayon kay Iran Civil Aviation Chief Ali Abedzadeh, nakatitiyak silang hindi tinamaan ng missile ang bumagsak na Ukrainian airplane.
Iginiit ni Abedzadeh, hindi mula sa mga eksperto ang lumabas na pahayag hinggil sa insidente lalo na’t hindi pa nakukuha ang mga data at impormasyon mula sa black box ng eroplano.
Una rito, sinabi ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na may mga ebidensiyang nagtuturo na aksidenteng tinamaan ng missile strike ang bumagsak na eroplano ng Ukraine.
Nanawagan din si Trudeau ng isang international probe sa pangyayari.