Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na kasalukuyang naka-detine sa isang kuwarto sa naia terminal 3 si Ms. Iran – Intercontinental Bahareh Zare Bahari matapos maharang sa paliparan dahil sa pagkakasama sa Interpol red list.
Ayon kay Immigration Port of Operations Division Chief Grifton Medina, maaari nang makaalis ng bansa si Bahari oras na magkaroon na ng available flight ang sinakyang nitong airline pabalik ng Dubai, ang huling bansang pinanggalingan nito.
Gayunman sinabi ni Medina na mas pinili ni Bahari na manatili sa bansa para matapos umano nito ang kinuhang dentistry course.
Dagdag ni Medina, kumuha na rin ng pribadong abogado si Bahari para masimulan ang proseso ng hinihingi nitong political asylum sa Pilipinas.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, isasailalim sa assessment ng Bureau of Immigration Board of Commissioners, United Nations High Commission on refugees at Department of Justice ang isang dayuhang humihiling ng asylum.
Kinakailangan ding mahigpit na makipag-ugnayan ng asylum seekers sa kanyang abogado na naka-base sa Pilipinas.
Binigyang diin pa ni Medina, tanging ang pamahalaan lamang Pilipinas ang maaaring magpasiya kung pagbibigyan ang kahilingan nitong political asylum.
Sa kasalukuyan, umaabot aniya sa 10 mga dayuhan ang humihingi ng asylum sa Pilipinas at naka-detine sa isang restricted zone.
Una nang sinabi ni Bahari na nangangamba siya sa kanyang buhay kapag naipatapon pabalik ng Iran dahil sa pagiging kritiko ng kanilang gobyerno at adbokasiya sa karapatang pantao at mga kababaihan. — ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45)