Dalawampung (20) taong pagkakabilanggo ang ipinataw ng isang korte sa Belgium laban sa Iranian diplomat na si Assadolah Assadi.
Ito’y bunsod nang pagkakasangkot umano ni Assadi sa naunsiyaming pambobomba sa isinagawang rally ng oposisyon sa labas ng Paris, France noong 2018.
Ayon sa Belgian prosecution, napatunayang guilty si Assadi sa kasong “attempted terrorism” matapos madawit sa planong pagpapasabog sa kilos-protesta ng National Council of Resistance of Iran o NCRI noong June 2018 na natunugan at napigilan naman ng German, French at Belgian police.
Kasabay nito, kinondena ng Iran ang pasya ng Belgian court kasabay ng pahayag na illegal ito at paglabag sa 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Samantala, hinatulan din mabilanggo ang tatlo pang kasabwat umano ni Assadi at hinubaran ng Belgian citizenship.