Nakumpirma na ang ulat hinggil tumitinding iringan sa pagitan ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa pagharap mismo ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo de Castro.
Ito’y sa pagharap ni De Castro sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa deliberasyon ng impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Inisa-isa ni De Castro ang anito’y mga maling pasya ng punong mahistrado mula nang maupo ito nuong buwan ng Agosto, taong 2012 na kasama sa inihaing impeachment complaint ni Atty. Lorenzo Gadon.
Unang kinuwesyon ni De Castro ang pagpapalabas ng administrative order ni Sereno na nagbubuo ng Regional Court Administration Office sa Central Visayas o Region 7 na hindi dumaan sa Supreme Court en Banc.
Inamin din ni De Castro na labis nilang ikinagulat ang naging imbitasyon sa kanila ni Sereno hinggil sa paglulunsad ng Regional Court Administrative Office o RCAO 7 sa Cebu City .
Subalit lumabas na hindi pala RCAO ang binuksan kung hindi isang Judiciary Decentralized Office o JDO na labag sa napagkasunduan ng En Banc.
Gayunman, tumanggi na si De Castro na sagutin ang tanong ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas kung may nalabag bang batas si Sereno pero binasa ng mambabatas ang ginawa nitong memorandum na kumukuwesyon sa naturang hakbang.