Inilabas na ng CHED Commission on Higher Education ang IRR o Implementing Rules and Regulations kaugnay sa batas sa libreng matrikula.
Ayon sa IRR, simula sa school year 2018 hanggang 2019, babalikatin na ng gobyerno ang matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante na naka-enroll sa 112 state universities and colleges, 78 local universities and colleges at technical vocation education at training programs na naka-rehistro sa ilalim ng TESDA o Technical Education and Skills Development Authority.
Nakasaad din sa IRR ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang mga probisyong nagde-detalye kung paano makaka-avail ang mga mag-aaral ng loan at iba pang subsidy para makatulong na mapondohan ang kanilang college education.
Ipinabatid ni CHED Officer in Charge Prospero de Vera na halos 40 billion pesos ang inilaang pondo para sa implementasyon ng free tuition law.
Pinangunahan ni de Vera ang pagpirma sa IRR kasama ang iba pang government agencies tulad ng TESDA, DOST, Department of Education, National Youth Commission, NEDA, Philippine Association of State Universities and Colleges, GSIS at SSS.