Sisimulan na ng DOH o Department of Health at ng iba’t ibang stakeholders ang pagbuo ng IRR o Implementing Rules and Regulations para sa Republic Act 11036 o Mental Health Law ngayong araw.
Ayon sa dating pinuno ng Philippine Psychiatric Association na si Dr. Ed Tolentino, napakahalaga ng IRR para sa tamang pagbibigay ng mental health service sa mga ospital, paaralan at lugar ng trabaho bilang bahagi ng isinasaad ng batas.
Kabilang sa kanilang tatalakayin ay ang pagbuo ng eksklusibong sangay para sa mental health services sa ilalim ng non-communicable diseases cluster at pagbuhay sa Philippine Mental Health Council.
Gayundin ang pagsasanay sa mga barangay health workers sa pagbibigay ng suporta o alalay sa mga miyembro ng komunidad na posibleng hindi naman mentally ill pero may pinagdaraanan sa buhay.
Dagdag pa ni Tolentino, magsasagawa rin aniya sila ng inter-agency consultation kasama ang Department of Labor and Employment o DOLE at Department of Education o DepEd para sa pagpapalakas ng mental health education sa mga paaralan at lugar ng trabaho.
—-