Isa na namang barangay chairman sa Mandaluyong City ang patay matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang lalaki.
Kinilala ni Eastern Police District Director, Chief Supt. Romulo Sapitula, ang biktima na si Godofredo “goody” Tolentino, chairman ng Barangay Poblacion.
Nasa loob lamang ng bilyaran sa Reyes street sa barangay Poblacion si Tolentino nang maganap ang insidente, dakong ala 6:00 kagabi.
Agad namang nakatakas ang gunman at kasama nito lulan ng motorsiklo sa kabila ng pina-iiral na ordinansa sa lungsod na bawal ang “riding-in-tandem.”
Dead-on-arrival sa Mandaluyong City Medical Center ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo.
Inaalam na ang motibo sa krimen at kung may kaugnayan sa droga ang pamamaril o may naka-away ang biktima.