Isa na namang plebo ng Philippine National Police academy o PNPA Sa Silang, Cavite ang patay matapos ang endurance test na kanyang pinagdaanan sa nakalipas na dalawang linggo.
Kinilala ang biktimang si Rafael Sakkam, na binawian ng buhay dakong ala-6 ng gabi noong Sabado, Hunyo 18 habang ginagamot sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa City, Laguna.
Ayon sa Police Regional Office-4A, nag-collapse si Sakkam noong June 3 matapos umanong mahirapang huminga sa reception rites at agad dinala sa PNPA dispensary.
Makalipas ang apat na araw ay inilipat ang biktima sa Qualimed Hospital kung saan siya binawian ng buhay, pero hindi tinukoy ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa reception rites, inaatasan ang mga kadete na magsagawa ng serye ng mga pagsasanay sa ilalim ng matinding sikat ng araw upang masubok ang kanilang endurance o katatagan, na tinaguriang baptism of fire.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang PNP upang matukoy ang tunay na sanhi ng kamatayan ng biktima.