Isang madre na ang patay habang 22 iba pa ang tinamaan ng COVID-19 sa isa na namang kumbento sa Quezon City.
Kasalukuyang nakararanas ng COVID surge ang Convent of Holy Spirit sa Barangay Immaculate Concepcion makaraang magkasakit ang 13 madre at 9 na staff member nito.
Kinumpirma ni Dr. Rolando Cruz ng City Epidemiology and Surveillance Unit noon lamang unang linggo ng Setyembre binawian ng buhay ang hindi pa pina-pangalanang madre.
14 anya sa mga nagkasakit ay fully-vaccinated habang ang iba ay wala pang bakuna kahit 1st dose.
Mayroong 90 kataong naninirahan sa kumbento kung saan 46 na ang sumailalim sa swab test noong Setyembre 10 habang ang pamunuan na ng Holy Spirit ang mangangasiwa sa test ng iba pa.
Mayorya ng mga madre na nagpositibo ay senior citizens na edad 80 pataas. —sa panulat ni Drew Nacino