Nabunyag ang isa pang umano’y hazing incident sangkot naman ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP).
Viral ngayon sa social media ang screenshots ng hinihinalang fraternity related hazing na kinasasangkutan ng UP Sigma Rho.
Ang nasabing hazing incident ay nangyari, dalawang taon na ang nakakalipas.
Sa group chat, makikita ang usapan hinggil sa panggugulpi na tinawag na ‘pegul’ at larawan ng isang lalaki na puro pasa dahil sa pambubugbog.
Mayroon ding lalaki na makikitang may hawak ng mahabang paddle.
Nag trending sa twitter ang #EndFRV o panawagang wakasan na ang mga Fraternity Related Violence (FRV).
Sa pahayag ng student organizations at student governments partikular ang UP Diliman University Student Council, sinabi nito na bagamat hindi naveverify ang screenshots, kinokondena nila ang lahat ng uri ng karahasan sa loob at labas ng pamantasan.
Kailangan na anilang mahinto ang macho-feudal culture sa lipunan.
Panawagan naman ng UP Alyansa sa UP Administration, dapat ay mahigpit na ipatupad ang Anti-Hazing Act of 2018 para mabigyan ng hustisya ang humahabang listahan ng mga biktima ng FRV sa pamantasan.