Isa pang opisyal ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA) ang inakusahan ng tangkang pangingikil sa isang kooperatiba at pagpupuslit ng mga sibuyas sa bansa.
Ito ang ibinunyag ni Wilma Ocampo ng Cambridge Cooperative sa nagpapatuloy na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food (HCAF) sa umano’y talamak na smuggling ng agricultural products sa bansa.
Ayon kay Ocampo, tinangka ng ilang empleyado ng DA na humingi ng kalahating milyong pisong “tara” mula sa kanilang grupo kapalit ng pag-release sa kanilang imported na gulay mula sa mga pantalan.
Pawang mga tauhan anyang isang Jesusa Ascutia ng BPI, na nasa ilalim ng DA, ang nag-utos sa mga empleyado at bandang huli ay nagkatawaran na umabot na lamang sa 150,000 pesos.
Gayunman, nilinaw ng DA-BPI na ang kooperatiba ay nag-import ng sariwang gulay mula China, na ikinukunsiderang iligal sa Pilipinas at tanging pwede ay frozen vegetables.
Naungkat din ang umano’y pagkakasangkot ni Ascutia sa smuggling ng puting sibuyas kung saan 7,871 metric tons ang pumasok sa bansa mula Enero hanggang Pebrero kahit ang importation validity ay nag-expire noong December 31, 2021.
Samantala, aminado naman si DA-BPI Director George Culaste na umabot sa 35.8 million pesos ang hindi nakoletang regulatory fees noong si Ascutia ang plant quarantine service manager at station manager sa Danao City, Cebu mula January 16 hanggang July 17, 2021.
Wala si Ascutia sa nasabing pagdinig kahapon pero iimbitahan ito ng kamara sa susunod na hearing.