Binawian ng buhay ang isa pang empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) —ito na ang ikatlong kaso ng pagpanaw dahil sa nakahahawang virus sa kamara.
Ito, ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ay isang 52-taong gulang na empleyado na nakatalaga sa Bills and Index Service ng kamara.
Aniya, ika-18 ng Hunyo ay naka-work-from-home na ang nabanggit na empleyado ngunit nagtungo sa Batasan Pambansa noong ika-29 ng Hunyo para magsumite ng ilang mga dokumento.
Nabatid na nagpositibo sa nakahahawang virus ang naturang empleyado noong ika-20 ng Hulyo makaraang ma-ospital noong ika-17 ng kaparehong buwan dahil sa naranasang sintomas ng virus.
Mayroon din umanong hypertension ang pasyente.
Sa ngayon, mayroon nang 18 empleyado ng kamara na tinamaan ng COVID-19.