Isa pang reklamo sa Senate Committee on Ethics ang nakatakdang kaharapin ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ang reklamo ay magmumula kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na ngayon ay naka-detine sa Senado dahil sa kanyang pagtanggi na dumalo sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Atty. Jose Dino Jr., abogado ni Faeldon, irereklamo nila ang unethical at unparliamentary conduct ni Trillanes na nakakasira anila sa imahe ng Senado.
Dahil dito, hiniling ni Dino sa Blue Ribbon Committee na payagang makalabas ng kanyang kulungan si Faeldon sa Lunes para personal na ihain ang reklamo laban kay Trillanes.
Matatandaan na tumanggi si Faeldon na sagutin ang mga tanong ni Trillanes nang magkaharap sila sa hearing ng Blue Ribbon Committee.
Una nang inireklamo ni Faeldon sa Committee on Ethics si Senador Panfilo Lacson matapos isama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga di umano’y tumatanggap ng ‘tara’ sa BOC.
—-