Isa na namang hotel sa Boracay ang ipinasasara ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan dahil sa mga paglabag nito sa batas pangkalikasan.
Ito’y ayon kay Malay, Aklan Mayor Ciceron Cawaling, batay sa kaniya ng ulat ng environment health and sanitation unit makaraang mapatunayang naglalabas ng kanilang dumi sa karagatan ang Crown Regency Prince Hotel.
Matatagpuan ang naturang hotel sa main road ng Station 1 sa Baragay Balabag hindi kalayuan sa West Cove Hotel na una na ring ipinasara dahil din sa pagtatayo nito ng mga istruktura sa forest land ng nasabing isla.
Nabunyag din na nag-ooperate ang Crowne Regency Prince Hotel kahit wala itong hinahawakang sanitary permit mula pa nuong taong 2016 kahit pa maka-ilang beses na itong sinisita ng lokal na pamahalaan.
Samantala, Maliban sa cesspool, nangangamba rin ang mga Boracaynon na bansagan din silang sinful island kaugnay ng planong pagtatayo ng hotel-casino sa isla ng Boracay.
Ayon kay Aklan Board Member Emmanuel Dela Cruz, nagulat at nalungkot silang malaman sa telebisyon ang naturang plano gayung hindi naman aniya sila nakonsulta hinggil dito.
Bagama’t ang national government aniya ang siyang may kapangyarihan para magbigay ng permit sa mga casino, dapat pa rin aniyang magsagawa ng konsultasyon sa lahat ng mga residente rito hinggil sa plano.
Giit pa ni Dela Cruz, wala sa tamang timing ang planong pagtatayo ng casino lalo’t nahaharap na sa pagpapasara ang isla na itinakda na sa Abril 26.