Sinalakay ng mga tauhan ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Parañaque at ng Philippine National Police (PNP) ang isa nanamang natuklasang iligal na klinik na eksklusibo lamang para sa mga Chinese nationals.
Nasamsam ng mga otoridad sa ikatlong palapag ng isang gusali na matatagpuan sa Multinational Village ang nasa sampung upuan na mayroong mga dextrose stand, stethoscopes, BP machines, personal protective equipment, ibat-ibang uri ng medisina na may mga Chinese labels na para sa ubo, sipon at STDs, at mga hindi rehistradong Chinese capsules na para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay City Administrator Ding Soriano, sa itsura pa lamang ng lugar, hindi na aniya maitatanggi na isa itong illegal clinic o illegal hospital.
Sa isa pang unit ng gusali, natagpuan ng mga otoridad ang mga kahon ng face masks at ibat-iba pang klase ng mga gamot para sa COVID-19.
Agad namang isinailalim sa disinfection ang panibago nanamang natuklasang underground clinic ng mga Tsinong narito sa Pilipinas.
Naaresto naman ng pulisya ang Chinese national na nangangasiwa sa iligal na klinika kungsaan tumanggi na itong magbigay ng anumang pahayag.