Pinaghahanap na ng pulisya ang lima kataong responsible sa pagkasunog ng mahigit apat na ektaryang bahagi ng kabundukang malapit sa Mount Ulap sa Itogon, Benguet.
Ayon kay Itogon Municipal Olice Chief Inspector Eugene Raymundo, ala-1:00 ng hapon kahapon nang maiulat ang sunog malapit sa entrada ng Mount Ulap na agad namang nirespondehan ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection o BFP.
Alas-5:00 ng hapon nang maideklarang fire out ang sunog sa kabundukan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang pausok na ginamit para sa pukyutan ang pinagmulan ng sunog.
Sinabi ni Raymundo na hindi naman naapektuhan ng naturang sunog ang trekking activities ng mga turista sa Mount Ulap.
Matatandaang noong nakaraang buwan nang masunog naman ang bahagi ng Mount Pulag sa Kabayan, Benguet dahil sa napabayaang butane gas stove ng mga turistang hiker.
—-