Nadiskubre ng lokal na otoridad ng Batangas nitong Huwebes na mula sa isang planta ng yelo ang pinagmumulan ng nakasusulasok na amoy na inirereklamo ng ilang residente sa Lian .
Batay sa reklamong natanggap ag Department of Environment and Natural Resources (DENR) Batangas mula sa mga mamamayan sa Barangay , Bagbag nitong Miyerkules na may masamang amoy silang nalalanghap na nagmumula sa Pantoja ice plant.
Matapos matanggap ang reklamo, agad na binisita ng mga otoridad ang pagawaan ng yelo at natuklasang may tagas ang isang drum ng ammonia ng planta na siyang nagdudulot ng masamang amoy.
Paliwanag naman ni Leonilo Dizon, maintenance officer ng pagawaan na walang pagtagas na naganap kundi nag-overflow ang drum kung saan pinadidiretso ang langis at ammonia patungo sa tangke.
Ayon kay Dizon, dahil ito sa lakas at ibang direksyon ng hangin habang siya ay nagbabawas ng sobrang pressure para mapalitan ang balbula na kailangang mapalitan.
Agad namang nilinis ng tubig ng staff ng factory ang ammonia na dumaloy sa creek na siya namang nagdulot ng pagkalanta ng ilang halaman malapit rito at nagresulta sa pagkamatay ng ilang mga isda doon.
Pansamantala munang pinatigil ng DENR ang operasyon ng factory dahil sa paglabag sa Republic Act 9275 o clean water act.
Samantala, pinayuhan naman ng mga local health authorities ang mga residente na nakalanghap ng ammonia na mangyaring dumulog sa kanila sakaling makaranas ng hirap sa paghinga, pagkahilo, pananakit ng lalamunan at pagsakit ng ulo.—sa panulat ni Agustina Nolasco