Isang senior citizen ang patay matapos ma-hit-and-run ng isa umanong abogado sa Bacolod City, Negros Occidental.
Kinilala ang biktimang si Aquilino Cambelisa Jr., 63-anyos, residente ng barangay Mandalagan.
Naganap ang insidente sa La Salle Avenue, barangay Villamonte, noong huwebes, Hunyo 16.
Wala umanong nakuhang karagdagang detalye kung paano naganap ang insidente dahil agad dinala ng mga rescuer ang biktima sa Corazon Locsin Montelibano memorial regional hospital.
Ayon kay major Ritchie Gohee, hepe ng Bacolod City police – Station 4, agad umalis ang driver ng Sedan na naka-hit-and-run kay Cambelisa nang isakay ito sa ambulansya.
Pero nitong Sabado ay isang kinatawan ng Sedan driver ang nakipag-usap sa pulisya at nagpahayag ng kahandaang makipag-kita sa pamilya ng biktima ngayong araw.
Ipauubaya na anya nila sa pamilya ni Cambelisa ang desisyon kung magsasampa ng kaso o makikipag-areglo sa driver.