Isa pang mosque at paaralan na stronghold ng grupong Maute sa Marawi City ang nabawi ng militar, kahapon.
Ayon kay AFP Chief of Staff, Gen. Eduardo Año, dakong ala singko ng hapon nang makubkob ng mga tropa ng gobyerno ang Bato mosque at Amaitul Islamiya Marawi Foundation matapos ang limang oras na bakbakan.
Isa anyang malaking tagumpay ang pagkakabawi sa dalawang nabanggit na gusali na lalong magpapahina sa teroristang grupo.
Aminado si Año na habang nagpapatuloy ang follow-up at clearing operations, inaasahan na nilang lilisanin ng mga bandido ang kanilang mga okupadong posisyon nang hindi nakikipaglaban.
Samantala, sa halip na mabawasan nadagdagan ang bilang mga terorista makaraang puwersahin na nila ang kanilang mga bihag na lalaki na makipagbarilan na rin sa mga sundalo.
Paring dinukot ng mga Maute sa Marawi, nailigtas na
Nailigtas na ng tropa ng gobyerno ang paring dinukot ng bandidong grupong Maute na si Fr. Chito Suganob kagabi.
Sa isang Facebook post, kinumpirma ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na nailigtas si Fr. Suganob malapit sa Bato mosque, ang pangalawang mosque na nabawi ng militar mula sa Maute.
Nadakip ng mga Maute si Fr. Suganob noong Mayo 23 kasabay ang ilang mga parokyano ng Simbahang Katolika.