Patuloy pa ring makararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon bunsod ng “southwest monsoon” o habagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Metro Manila , Ilocos Region, Cordillera, Batanes , Babuyan Group of Islands, Cavite, Batangas, Bataan at Zambales.
Habang makararanas na ng magandang panahon ang Bicol Region, Visayas at Mindanao.
Nakataas naman ang “gale warning” sa Hilagang Luzon, Gitnang Luzon at gayundin sa kanluran at katimugang bahagi ng Southern Luzon.
Dahil dito, pinagbabawalan munang pumalaot ang mga mangingisda o yung may mga maliliit na sasakyang pandagat.
Samantala, mayroong panibagong minomonitor na LPA o Low Pressure Area ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility na posibleng magdulot ng mga pag-ulan sa dulong Hilagang Luzon sa mga susunod na araw.
—-