Binuksan na ng gobyerno ang isa pang peace corridor para masolusyunan ang nagsisimula nang krisis sa pagkain sa Marawi City.
Ito ay matapos na maitala ang paglobo sa mga pangunahing bilihin tulad ng bigas na mabibili na sa limang libong piso (P5,000.00) kada sako.
Ayon kay Irene Santiago, chairperson ng Implementing Panel for the Bangsamoro, ang binuksang 73 – kilometro peace corridor sa pagitan ng Malabang area at Marawi City ay magsisilbing daan para sa pagpasok ng mga suplay ng pagkain at medisina.
Sa tulong ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay positibo ang mga gobyerno na sa pamamagitan ng naturang daan ay ligtas na makapasok sa syudad ng Marawi ang emergency relief assistance at mga doktor mula sa Philippine Red Cross.
Matatandaang na-rescue ng mga otoridad ang 134 mga na – trap na sibilyan sa pamamagitan ng ipinatupad na apat (4) na oras na ceasefire at pagbubukas ng unang peace corridor.
2 C-130 plane ng PAF na puno ng mga relief goods lumapag na
Lumapag na ang dalawang C-130 plane ng PAF o Philippine Airforce na puno ng mga relief goods para sa mga residenteng apektado ng kaguluhan sa Marawi City.
Ayon sa PAF, nagmula ang naturang mga suplay sa mga DU30 Cabinet Spouses Association at sa iba pang pribadong organisasyon.
Target na maipamahagi ang naturang mga relief goods sa mga residenteng inilikas at nanunuluyan ngayon sa mga evacuation area sa Iligan City.
Sa pagtataya ng International Committee of the Red Cross, umaabot na sa higit dalawang daang libong (200,000) mga residente ang inilikas kasunod ng pag – atake ng mga Maute sa nasabing syudad.
By Rianne Briones
Photo Credit: Philippine Red Cross