Isa pang pinaghihinalaang bahagi ng rocket debris ng China ang nakita ng Philippine Coast Guard (PCG) at ilang mangingisda malapit sa Subic, Zambales noong weekend.
Ayon sa PCG, si Boat Captain David Gervacio ang nagpaabot ng ulat matapos makita ang puting cylindrical object na lumulutang malapit sa isla.
Dahil sa report, agad na rumesponde ang mga PCG personnel sa nasabing lugar upang makuha ang bagay.
Inilarawan ito ng PCG na metal at plastic debris na dalawang metro ang haba at apat na metro ang lapad, na pinaniniwalaang mula sa Long March 5B Rocket na inilunsad ng China noong Oktubre 31 mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan.
Matatandaang una rito, isang katulad na unidentified object ang nakita ni Gervacio at ng kanyang mga tripulante noong Nobyembre 16 sa timog-kanluran ng Bajo de Masinloc, ngunit hindi nakuha dahil sa laki at lalim nito nang lumubog.