Pormal na ring inireklamo ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) ang isa pang balikbayang Pinay na lumabag sa quarantine rules.
Batay sa ibinahaging dokumento ni P/Maj. Michael John Villanueva ng CIDG-NCR, kinilala ang inireklamo na si Maria Bernalyn Muñoz, isang returning Filipino at residente ng Bonifacio Global City sa Taguig.
Kasong paglabag sa Section 9 ng Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isinampa laban kay Muñoz dahil sa pagtanggi nitong sumailalim sa mandatory quarantine para sa mga umuwing pinoy mula sa ibayong dagat.
Magugunitang ibinunyag ng Department of Tourism (DOT) na may isang returning Pinay na umuwi sa bansa mula sa Amerika nuong Disyembre 22, subalit dumiretso ito sa kaniyang condominium unit sa Pasay City sa halip na sa kaniyang quarantine hotel sa Makati City.
Doon ay nabatid ding nagpatawag pa ng masahista ang Pinay, hindi alintana na positibo pala ito mula sa Coronavirus disease (COVID-19).
Nabunyag ang kasong ito ni Muñoz matapos mabisto ang pagtakas ng tinaguriang Poblacion Girl na si Gwyneth Chua sa kaniyang mandatory Quarantine mula Amerika kung saan ay nakipag-party pa ito bago lumabas na nagpositibo pala ito sa virus. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)