Sumuko na ang isa pa sa anim na pugante ng Laguna Provincial Jail.
Kinilala ang nasabing preso na si Verjust Dizon, 36 anyos na naibalik na sa Laguna Provincial Jail sa Sta. Cruz kaninang hating gabi.
Ayon kay Laguna Police Spokesperson Senior Inspector Gerry Sangalang, si Dizon ay sumuko sa Sta. Maria Bulacan Police kahapon para linisin ang sarili sa nangyaring pamamaril sa jail guard na si Norberto Malabanan.
Kwento umano ni Dizon, nasa visiting area siya habang hinihintay ang kanyang dadalaw na anak nang mangyari ang gulo sa nasabing kulungan noong Linggo kaya’t ginamit niya ang pagkakataon para tumakas.
Si Dizon ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Una nang nadakip ang dalawa pang tumakas na preso na sina Rhandel Vale at Romel Macaraig sa Imus City noong Martes, habang patuloy pa ring pinaghahanap ang tatlong iba pa.