Naharang ng Bureau of Customs ang isa pang shipment ng basura sa Tagoloan, Misamis Oriental at sa pagkakataong ito ay nagmula naman sa Australia.
Inilagay muna sa Mindanao Container Terminal ang pitong container van ng mga basura.
Ang broker ng nasabing shipment ay siyang nasa likod ng pagdadala ng tone toneladang basura mula South Korea patungong Tagoloan noong July at October 2018.
Ang naturang shipment ay idineklarang PEF o Processed Engineered Fuel at municipal waste kung saan lumalabas na consignee ang Holcim Philippines Incorporated.
Ayon naman sa Holcim, ang PEF na gawa mula sa prinosesong basura ay alternative fuel na ginagamit sa paggawa ng semento.
Sinaksihan naman ng mga kinatawan ng Holcim ang pag inspeksyon sa nasabing shipment at iginiit ng mga ito na matagal nang ginagamit ng kumpanya ang PEF kaysa sa coal fuel.
Sinabi ni Alan Cuyno, technical manager ng Holcim Philippines na ang shipment ay hindi talaga basura kundi low grade fuel na pino proseso bilang engineered fuel.
Inihayag naman ng BOC na kahit ano pa man ang dahilan ng Holcim, basura pa rin ito at ipinagbabawal itong makapasok sa bansa.