Posibleng maaresto na rin ng NBI o National Bureau of Investigation ang isa pang suspect sa pagpatay sa car racer na si Enzo Pastor.
Ipinahiwatig ito ni NBI-NCR Director Atty. Max Salvador makaraang masakote ng NBI ang sinasabing mastermind sa pagpatay kay Pastor na si Domingo “Sandy” de Guzman.
Ayon kay Salvador, sa mga susunod na linggo ay posibleng magkaroon pa ng magandang development sa kasong pagpatay kay Pastor.
Si de Guzman ay nasakote ng NBI sa isang motel sa Dasmariñas, Cavite kung saan siya nagtago gamit ang iba’t ibang pangalan.
Sinabi ni Salvador na dahil sa pagkakahuli kay de Guzman, maaari na ngayong umusad ang kasong pagpatay kay Pastor makaraang isantabi ito ng korte dahil walang maiprisintang suspect ang awtoridad.
“Nakasarado kasi ang pintuan kaya nung pagpasok ng mga tauhan natin at nagpakilalang NBI, hindi na lumaban, hindi na pumalag, stay na siyang nakahiga ang sabi lang niya ay Hay salamat NBI ang nakahuli sa akin.” Pahayag ni Salvador.
By Len Aguirre | Ratsada Balita