Nabuhayan ng loob ang pamilya ng pinatay na broadcast journalist na si Dr. Gerry Ortega makaraang magkaroon ng pangalawang conviction sa kaso.
Ayon kay Mica Ortega, anak ng biktima, umaasa sila na ang susunod na masentensyahan ay ang mastermind o mga nagpapatay sa kanyang ama.
Una nang nasentensyahan ng korte si Marlon Recamata at kahapon ay si Arturo ‘Nonoy’ Regalado, ang sinasabing kanang kamay ni dating Palawan Governor Joel Reyes na siyang itinuturong mastermind ng krimen.
“Siya po yung kumbaga ang naging coordinator sa lalawigan ng Palawan kasi po marami po doon sa mga tao ay dayo lang sa lalawigan ng Palawan at galing po sila sa lalawigan ng Quezon, si Nonoy Regalado po ang nagturo sa kanila kung saan ang mga lugar at saan hahanapin ang aking ama, malaki po kumbaga yung naging papel niya kaya nga po marami ang nagturo sa kanyang mga testigo at nalaman natin na guilty beyond reasonable doubt ang naging sintensya sa kanya.” Ani Mica.
Kapwa akusado naman ni dating Governor Reyes ang kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes.
“Ito yung magiging kauna-unahang beses sa ating kasaysayan sa Pilipinas na makakapag-paconvict tayo at makakapag-pakulong tayo ng mastermind sa pagpatay sa isang journalist o yung tinatawag nating extrajudicial killing, ang aming pamilya we want to make sure yung magkapatid ay harapin nila ang hustisya, harapin nila ang korte, at hindi tayo papayag sa kung anumang kalokohan ang mangyayari sa loob ng kulungan.” Pahayag ni Mica.
Una rito, hinatulang mabilanggo ng habambuhay ng Palawan RTC Branch 52 si Arturo ‘Nonoy’ Regalado, ang isa pang suspek sa pagpaslang kay Doc Gerry.
Si Regalado ay close in aide at kanang kamay ni dating Palawan Governor Joel Reyes at dating empleyado ng Provincial Capitol sa ilalim ng dating gobernador.
Ipinabatid naman na kaagad inilipat sa Iwahig Penal Colony si Regalado.
By Judith Larino | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas