Iniharap sa NBI o National Bureau of investigation ang isa pang suspek sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ang suspek na kinilalang si Jerry Omlang ay una nang sumuko kay DWIZ broadcaster at columnist Ramon Tulfo noong Biyernes, Enero 27.
Sa Press Conference kanina sa pangunguna ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nilinaw ni NBI Director Dante Gierran na hindi empleyado at hindi asset ng NBI si Omlang.
Itinanggi rin ni Atty. Danilo Lising, supervising agent ng NBI-National Capital Region ang lumabas na ulat na driver umano niya si Jerry.
Ayon kay Lising, nakilala niya si Omlang nang maitalaga siya sa NBI Anti-Human Trafficking Division.
Sinabi ni Lising na si Omlang ay isang striker o utus-utusan ng ilang NBI agents.
Una rito, sa eksklusibong panayam ng “Isumbong mo kay Tulfo sa DWIZ”, iginiit ni Omlang na wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Jee Ick -Joo, pero inamin niyang siya ang nagpasingaw ng sasakyan ng Korean businessman nang ito’y dukutin.
Kwento ni Jerry, isa siya sa mga kasama na nag-withdraw sa Greenhills, San Juan gamit ang credit card ni Jee kung saan tatlo hanggang apat na bangko ang kanilang pinuntahan para makapag-withdraw ng aabot sa P 60,000.00.
Idinagdag pa ni Omlang na kasama rin siya sa punenarya sa Caloocan City kung saan dinala ang labi ng negosyanteng Koreano.
Naghiwa-hiwalay na aniya sila sa parteng Maynila at saka siya inabutan ng 2,000 Piso.
Inamin din ni Omlang na naglakas-loob siyang lumantad at magpasaklolo kay DWIZ broadcaster Ramon Tulfo dahil mayroon siyang natanggap na pagbabanta sa kanyang buhay.
Tinawagan aniya niya si SPO3 Ricky Sta. Isabel para ito’y makibalita sa pumutok na isyu sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano. Dito ay ipinarating sa kanya ni Sta. Isabel na gusto siyang ipapatay, batay na rin sa utos ni Atty. Raphael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group.
Tahasan ding idiin ni Omlang si Dumlao na siyang mastermind sa pagdukot at pagpatay kay Korean businessman Jee Ick Joo.
Hindi naman alam ni Omlang kung saan napunta ang Limang (5) Milyong Pisong ransom na ibinigay ng asawa ni Jee na si Choi Kyung-Jin.
Sa ngayon, nasa protective custody na ng NBI si Omlang.
Pakinggan: Ang kabuuang interview ng DWIZ kay Jerry Omlang
By: Meann Tanbio