Kinumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng Olongapo City ang pagkaka-aresto ng isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Aika Mojica noong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Olongapo City councilor Jong Cortez, batay sa impormasyong ibinigay sa kanila ng FBI attache sa maynila, nahuli ang Fil-Am na suspek na si Jonathan Dewayne Ciocon Viane sa Iowa sa Estados Unidos.
Gayunman, sinabi ni Cortez na bagama’t hawak na ng US Marshalls si Viane, hindi pa mabatid sa ngayon kung saan ito nakadetine.
Kasunod nito, sinabi ni Cortez na nakatakdang lumiham si Olongapo city mayor Rolen Paulino kay Justice Secretary Leila de Lima para umapela sa Amerika na ibalik sa Pilipinas si Viane.
Bukod dito, humingi rin si Mayor Paulino sa kalihim ng kopya ng mugshot ni Viane bilang katunayan na naaresto na nga ito ng US authorities.
Magugunitang nagtago sa Alaska si Viane ilang araw lang nang matagpuang wala nang buhay si Mojica at may tama ng bala ng baril sa ulo noong Hulyo 25 sa San Felipe, Zambales.
By: Jaymark Dagala