Isa pang kapwa akusado ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Arroyo sa plunder case kaugnay sa 366 Million Peso P.C.S.O. Intelligence Fund ang inabsuwelto ng Sandiganbayan.
Sa resolusyon na inadopt noong October 4, pinayagan ng Sandiganbayan first division ang mosyon upang i-dismiss ang kaso laban kay dating Commission on Audit Intelligence Fund Unit Head Nilda Plaras.
Dahil dito, si dating P.C.S.O. General Manager Rosario Uriarte ang nananatiling nakapiit sa National Bureau of Investigation custodial center bilang natitirang defendant sa kaso.
Ibinase ng anti-graft court ang desisyon sa Supreme Court resolution noong August 23, 2016 na nag-utos sa pagbasura ng proceedings laban kay Plaras na nagpasaklolo sa S.C. upang kontrahin ang kinakaharap niyang plunder case.
Kasabay nito, ini-atras na rin ng Sandiganbayan ang arrest warrant ni Plaras at inalis na ang Hold Departure Order laban sa kanya.