Nakilala na ng pulisya ang isa sa apat na suspek na tumangay ng apat na milyong pisong (P4-M) halaga ng cash at gamit sa Mabuhay Manor Hotel sa Pasay City noong Enero 2.
Nakilala ang suspek na si Daniel Constantino Binas na nagtatago sa mga pangalang ‘Dave Constantino’ at ‘Anthony Herrera’ na may alyas na ‘Tonee’.
Ayon sa Pasay City Police, kanilang natukoy ang suspek sa pamamagitan ng kuha sa mga CCTV footage at sa tulong ng mga empleyado ng naturang hotel.
Nabatid na si Constantino ay dating nagtrabaho bilang security guard ng Mabuhay Manor at nakatira malapit lamang sa hotel.
Sa ngayon ay sinampahan na ng kasong robbery si Constantino, at ang tatlo pang mga suspek na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala.
Matatandaang isinama na ng mga otoridad sa imbestigasyon ang guwardiya ng naturang hotel.
Kahina-hinala umano ang kilos ng nasabing guwardiya nang mangyari ang insidente batay na rin sa kuha rito ng CCTV ng hotel.
Nakitang panay ang text sa bukana ng hotel at palinga-linga ang naturang guwardiya sa mga guest na tila may hinihintay bago mangyari ang insidente.