Nakalabas na ng PAR o Philippine Area of Responsibility ang isa sa dalawang binabantayang LPA o Low Pressure Area ng PAGASA malapit sa Palawan.
Huling namataan ito sa layong limangdaan walumpong (580) kilometro kanluran ng Puerto Princesa Palawan.
Habang inaasahan namang maging ganap na bagyo sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw ang isa pang sama ng panahon na namataan naman sa layong limang daan at walumpong (580) kilometro silangan ng Hinatuan Surigao del Sur.
Gayunman, mababa pa rin ang tiyansa na tumama sa lupa ang nasabing LPA.
Samantala, nananatili pa rin ang pag-iiral ng ITCZ o Inter-Tropical Convergence Zone na magdudulot naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Makararanas naman ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-uulan sa bahagi ng Eastern Visayas, Caraga at Davao.
Asahan naman ang mainit at maaliwalas na panahon sa Luzon kabilang ang Metro Manila maliban na lamang sa mga mahihinang pag-uulan bunsod ng localized thunderstorm.
—-