Malaki ang posibilidad na patay na ang isa sa mga leader ng ISIS-Maute group na si Omarkhayam Maute.
Ayon kay AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año, maaaring nasawi sa bakbakan sa Marawi City si Omar pero ang kapatid nitong si Abdullah ay posibleng nasa lungsod pa kasama ang sinasabing ISIS leader ng Timog-Silangang Asya na si Isnilon Hapilon.
Gayunman, hindi matiyak ni Año kung kailan namatay si Omar at wala pa ring ebidensyang magpapatunay sa kinahinatnan ng isa sa mga leader ng teroristang grupo.
Bineberipika na rin kung kabilang din sa nasawi ang isa pang miyembro ng Maute at kapatid nina Abdullah at Omar na si Madie.
Samantala, inaabandona na ng mga miyembro ng ISIS-Maute ang kanilang mga armas at humahalo na sa mga sibilyang nagsisilikas palabas ng Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, Spokesman ng Joint Task Force Marawi, unti-unti ng nagiging desperado ang mga terorista para lamang matakas ang mga tropa ng gobyernong papalapit sa tinatawag na stronghold ng grupo.
Ito, anya, ay matapos ang mga serye ng pagkakaaresto sa mga magulang ng Maute brothers.
Dagdag ni Herrera, bagaman kabisado na ng mga terorista ang terrain ng lungsod dahilan upang makatakas, tiniyak naman ng gobyerno na hindi na makaaalis ang mga ito ng Marawi.
By Drew Nacino
Isa sa lider ng Maute group pinaniniwalaang patay na was last modified: June 23rd, 2017 by DWIZ 882