Hiniling ng isa sa mga akusado sa hazing ng law student na si Horacio “Atio” Castillo III sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch-20 ang pansamantalang paglaya nito sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa urgent motion, sinabi ni Mhin Wei Chan na pansamantala siyang palayain dahil sa humanitarian grounds dahil sa maaaring panganib na dala ng virus sa kanyang kalusugan at buhay.
Iginiit din ni Chan na siya’y kwalipikado sa ilalim ng house committee recommendation dahil umano’y first-time offender siya at walang history ng pagtakas, makaraang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad noong inilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Magugunitang noong ika-17 ng Setyembre, taong 2017, nang mamatay si Atio dahil sa ginawang initiation rites sa kanya ng Aegis Juris Fraternity na kinasangkutan ng 10 UST students.
Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni Carmina Castillo, ina ni Atio, bagama’t nakikita na nitong gagamitin ni Chan ang pagkakataon, dapat aniyang manatili pa rin sa kulungan ang mga ito para sa tuloy-tuloy na pagkamit ng hustisya para sa kanyang anak.