Ipinag-utos na ng Pampanga Regional Trial Court ang pagpapalaya kay SPO4 Roy Villegas, isa sa mga akusado sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Sa dalawang pahinang kautusan noong Enero 30, nagpasya si Judge Irin Zenaida Buan ng Angeles City RTC Branch 56 na palayain si Villegas dahil natapos nito ang kanyang testimonya at nagampanan na ang tungkulin bilang state witness.
Ibinasura naman ni Judge Buan ang argument ng iba pang akusadong sina SPO3 Ricky Sta. Isabel at Jerry Omlang na kumontra sa mosyon ni Villegas.
Ipinunto nina Santa Isabel at Omlang na hindi pa pinal ang pag-discharge sa kanilang kapwa akusado dahil sa nakabinbing petisyon sa Court of Appeals.
Oktubre 18 taong 2016 nang arestuhin sa isa umanong anti-drug operation at dukutin si Jee at kasambahay na si Marisa Morquicho mula sa bahay ng biktima sa Angeles City.
Bagaman pinalaya si Morquicho, pinatay ang Koreano sa PNP Headquarters sa Camp Crame habang na-cremate ang labi nito at i-pinlush umano sa isang toilet sa punerarya.