Pinalaya na ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang isa sa kanilang bihag sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Western Mindanao Police Head, Chief Supt. Billy Beltran, Mayo 5 pa nang pinakawalan ng Abu Sayyaf Group si Faizal Hambali.
Gayunman, sinabi ni Beltran na kahapon lamang nila ito nakumpirma matapos na dalhin aniya si Hambali ng mga kaanak nito sa Joint Task Force Sulu.
Si Hambali ay dinukot ng Abu Sayyaf Group noong Abril 29 kasama ang dalawang babaeng pulis na sina PO3 Bennie Rose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad.
Kasabay nito, umaasa si Beltran na makakakuha sila ng impormasyon sa kinalalagyan ng iba pang mga bihag ng bandidong grupo kasunod ng pagpapalaya kay Hambali.
(Ulat ni Jonathan Andal)