Sinibak na ng Korte Suprema ang isa sa mga hukom na napabilang noon sa listahan ng mga protektor ng iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinilala ang sinibak na hukom na si Dappa-Socorro Surigao Municipal Circuit Trial Court Judge Exequil Dagala na napatunayang guilty sa kasong immorality at gross misconduct.
Dahil dito, pinagbawalan na si Dagala na humawak ng anumang tungkulin sa gobyerno at tinanggalan na rin ito ng retirement pay at iba pang benepisyo.
Nag-ugat ang reklamo sa natanggap na complaint letter ng Ombudsman mula sa hindi nagpakilalang residente ng San Isidro, Siargao Island, Surigao del Norte.
Nakunan din ito ng video na sinisigawan ang kanyang mga kapitbahay habang may hawak na M-16 rifle at napatunayan ding nagkaanak ito sa isang babae na hindi niya asawa.
Una nang naghain ng irrevocable resignation si Dagala pero hindi tinanggap ng Korte Suprema.
—-